Dumipensa ang palasyo ng Malacañang sa kanilang pagpayag na magkaroon ng value added tax (VAT) refund ang mga foreign tourists na bumibisita sa bansa.
Ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ito ay para dumami pa ang mga banyagang turistang nais bumisita sa Pilipinas.
Dahil dito, asahan na raw ng mga foreign tourists na bibisita sa Pilipinas ang VAT refunds sa kanilang purchases simula sa taong 2024.
Kasunod na rin ito ng pag-apruba ni Pangulong Marcos sa naturang measure.
Una rito, inirekomenda ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Tourism Sector Group ang naturang measure para mas maging kaakit-akit daw ang bansa sa mga foreign travelers.
Inaprubahan din ni Pangulong Marcos ang rollout ng e-visa ngayon 2023.
Prayoridad naman sa naturang measure ang China at India.
Kabilang pa sa mga mga measures ang pagtanggal na ng One Health Pass o ang requirement ng isang form para sa health, immigration at customs.
Inaasahan namang mag-iisyu ang Pangulong Marcos ng executive order para ipatupad ang tax refund program na ginagawa rin sa ibang bansa.
Sa ngayon, tinatrabaho na rin ng Private Sector Advisory Council ang isang mobile app na tinatawag na e-Travel.
Dito pag-iisahin ang lahat ng mga impormasyon sa immigration, customs, health at quarantine.
Kung maalala, noong nakaraang linggo, nakapagtala ang Pilipinas ng 2.65 million visitors mula Pebrero hanggang Disyembre.