-- Advertisements --

Pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si United Arab Emirates President Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan sa pagkakaloob ng pardon sa tatlong Pinoy na nahatulan sa UAE.

Nakausap ni Pangulong Marcos sa telepono si Sheikh Mohamed at ipinaabot ang pasasalamat sa pagtugon sa kaniyang apela.

Ibinalita ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. kay Pangulong Marcos noong Huwebes ang pag-pardon sa tatlong Pinoy matapos matanggap ang mensahe mula kay UAE Ambassador to the Philippines Mohamed Obaid Salem Alqataam Alzaabi.

Ang dalawang Pinoy ay nasentensyahan ng kamatayan sa kasong drug trafficking at ang isa ay nahatulang makulong ng 15 taon sa kasong slander.

Noong April 27, nagpadala ng liham si Marcos kay Sheikh Mohamed para hilingin na mabigyan ng humanitarian pardon ang tatlo.

Sa pag-uusap ng dalawang lider, nagpasalamat din si Marcos kay Sheikh Mohamed sa pagbibigay ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.

Nagpadala ang UAE kamakailan ng 50 tons ng food supplies at mga gamot.

Sa kaniyang panig, binanggit ni Sheikh Mohamed ang mahalagang kontribusyon sa UAE ng 600,000 Filipinos na nagtatrabaho doon.

Inulit din ni Sheikh Mohamed ang imbitasyon kay Marcos para dumalo sa 2023 United Nations Climate Change Conference sa Dubai sa Disyembre.