Isiniwalat ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na talagang gustong makilala ni US President Joe Biden si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa gitna ito ng napipintong pagbisita ng dalawang pangulo sa New York sa susunod na linggo para dumalo sa United Nations General Assembly (UNGA).
Sa isang pahayag ay sinabi ng envoy na una nang nagpahiwatig si Biden ng kaniyang kagustuhang makipagkita kay Marcos bilang isang numero unong kaalyado ng kanilang bansa.
Ito ang dahilan kung bakit tiwala aniya siya na magaganap ang pagpupulong sa pagitan ng dalawang pangulo lalo na’t malinaw na may ilan talagang isyu ang kailangan nilang mapag-usapan tulad ng economic issues, climate change, at marami pang iba.
Bukod dito ay binanggit din ni Ambassador Romualdez na kabilang din sa mga plano ni PBBM na magsagawa ng ilang bilateral meeting kasama ang mga leader ng iba’t-ibang bansa, at inaasahan nga na kabilang sa mga ito si Biden.
Samantala, naniniwala naman siya na bibigyang-diin ni President Marcos Jr. ang global peace and security sa kaniyang magiging address sa United Nations.