-- Advertisements --
PBBM new

Ibinahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga programa ng kaniyang administrasyon sa kalusugan, kabuhayan, at kapayapaan para sa mga Pilipino.

Ito ay bilang bahagi pa rin ng kaniyang unang ika-100 araw ng panunungkulan bilang punong ehekutibo ng bansa.

Sa isang pahayag ay sinabi ng pangulo na kabilang sa mga programang ito ay ang paglalatag ng isang matibay na pundasyon para sa muling pagbangon ng bansa mula sa pagkakalugmok nito na dulot ng COVID-19 pandemic.

Tulad na lamang ng kasalukuyang PinasLakas campaign ng pamahalaan na nagpabilis pa aniya sa bakunahan ng booster shot at COVID-19 vaccine sa Pilipinas sa pagtutulungan ng Department of Health at Department of the Interior and Local Government.

Aniya, sa ngayon ay nasa 73 milyong mga Pilipino na ang nakatanggap ng dalawang dose ng nasabing bakuna, habang nasa mahigit 19 million na mga Pilipino naman na ang nakapagpaturok na ng kanilang booster shot, at nasa 81,000 doses na rin ng COVID-19 vaccine ang naituturok araw-araw.

Sa naturang pahayag ay tinalakay din ni Marcos Jr. ang naging pag-apela ng mga kababayan nating healthcare workers hinggil sa kanilang special risk allowance.

Aniya, dahil sa kamakailan lang na paglalabas ng Php1.04 billion na budget ng Department of Budget and Management (DBM) ang backlog na unpaid claims ng mahigit 55,000 health workers ay tiyak na maipapamahagi na.

Kung maaalala, kamakailan lang ay nagprotesta ang ilang grupo ng mga medical workers sa harap ng tanggapan ng Department of Health (DOH) upang muling kalampagin ang pamahalaan para sa kanilang mga naantalang benepisyo na may kaugnayan sa COVID-19.