Nagpahayag ang Embahada ng Pilipinas sa Israel na magpapadala sila ng tulong sa isang Overseas Filipino Worker (OFW) na naapektuhan ng mga missile strike sa Israel.
Nabatid na ang OFW ay ligtas matapos magtago sa isang shelter habang tinatamaan ng missile strike ang kanyang bahay, na nagdulot ng pagkasira dito. Inilipat siya sa isang hotel sa Tel Aviv upang tiyakin ang kanyang kaligtasan.
Nagbigay din ng babala ang embahada sa mga Pilipino na nasa mga apektadong lugar na magtungo sa mga shelter o iba pang ligtas na lugar kapag may missile alert upang maiwasan ang panganib.
Magugunitang nagpalitan ng mga missile at airstrikes ang Iran at Israel nitong Sabado matapos maunang maglunsad ang Israel ng pinakamalaking air offensive nito laban sa Iran upang pigilan ang pag-laki ng kanilang nuclear program.
Samantala tiniyak naman ng Embahada na patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon at nagbibigay rin aniya sila ng suporta sa mga Pilipino sa Israel, kabilang na ang apat na iba pang OFWs na nasugatan sa mga pag-atake.