-- Advertisements --

Natuklasan ng James Webb Space Telescope ang dalawang malalaking gas giant na planeta na nasa magkaibang yugto ng kanilang pagbuo habang umiikot sa iisang star na kahalintulad ng araw, sa isang solar system ng isang planeta na nasa loob ng milky way galaxy, humigit kumulang 310 light years mula sa Earth.

Ang dalawang planeta ay mas malaki kaysa sa Jupiter —ang pinakamalaking planeta sa ating solar system.

Ang isa ay may disk ng alikabok sa paligid at nagpapakita ng mga senyales ng pagbuo, habang ang isa naman ay may atmosphere na puno ng silicate clouds ngunit walang disk.

Ang bituin na nabanggit ay may pangalang YSES-1, at tinatayang 16 milyong taong gulang, na ayon sa mga siyentipiko ito ay isang “bagong silang” na star kung ikukumpara sa 4.5 bilyong taong gulang na araw.

Nabatid na ang mga planeta ay umiikot sa napakalayong distansya mula sa bituin, na nangangahulugang libu-libong taon ang kailangan para makumpleto ang isang orbit.

Natuklasan din ng teleskopyo ang mga elementong gaya ng water, methane, carbon monoxide, at carbon dioxide sa atmosphere ng mga planeta. Gayunpaman, ikinagulat ng mga siyentipiko na ang dalawang planeta —na dapat ay sabay-sabay na nabuo —ay tila nasa magkaibang yugto ng ebolusyon, na nagpapakita ng kumplikadong katangian ng planet formation.

Ayon kay astrophysicist Kielan Hoch, na nanguna sa pag-aaral, ang kanilang natuklasan ay nagpapakita kung gaano karami pa ang hindi natin alam sa kung paano nabubuo ang mga planetary system, kabilang na ang sa atin.

Magugunita na mula nang maging operational noong 2022, ang James Webb Space Telescope ay nakapagbigay na ito ng napakaraming bagong kaalaman sa pag-aaral ng universe at exoplanets.