-- Advertisements --

Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na hindi pa nakapili si Pangulong Rodrigo Duterte kung sino ang magiging sunod na Philippine National Police (PNP) chief.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Sec. Año, kaniyang sinabi na tatlong pangalan ng senior officers ang kaniyang inirekomenda para maging next PNP chief.

Ito ay sina P/Lt. Gen. Camilo Cascolan, Pol. M/Gen. Guillermo Eleazar, at Lt. Gen. Archie Gamboa.

Ayon pa kay Año, dahil hindi pa nakapili ang Pangulo ay minabuti munang kanselahin ang nakatakdang assumption of office ng bagong PNP chief sa October 29.

Sinabi ng kalihim, nakadepende kay Pangulong Duterte kung kailan nito gagawin ang change of command ceremony kapag nakapili na siya ng bagong PNP chief.

Inanunsyo naman ng PNP-Public Information Office (PIO) na ipinagpaliban sa hindi pa itinakdang araw ang “Assumption of Command Ceremony” ng bagong PNP chief.

Walang ibinigay na dahilan ang PIO sa pagpapaliban sa aktibidad.

Si Lt. Gen. Archie Gamboa ang itinalagang PNP officer-in-charge kapalit ni dating PNP Chief Oscar Albayalde na pinili na mag-non duty status hanggang sa magretiro siya sa serbisyo sa darating na November 8.

“Yes. In alphabetical order: Cascolan, Eleazar and Gamboa. Depende na ke PRRD kung kelan ang change of command ceremony once makapili na siya,” mensahe na ipinadala ni Sec. Año sa Bombo Radyo.