Ibinunyag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na may malakas na ebidensiya na ang mga sindikatong Chinese ay kasabwat ng ilang opisyal ng pamahalaan at lokal na negosyante sa talamak na agricultural smuggling sa bansa.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Pangilinan na pinoprotektahan umano ng ilang kawani ng BOC, NBI, PNP, DA, DOJ, at Bureau of Immigration ang mga smuggler, na malayang nakapagluluwas ng mga produktong smuggled habang nagpapanggap na nagpapatupad ng batas.
Ayon pa sa Senador, nabubuo na ang “big picture” sa likod ng agri smuggling sa bansa, na ikinumpara rin niya sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), kung saan may sindikatong galing China at kasabwat na mga Pilipino.
Aniya, posibleng mga isdang ninanakaw sa West Philippine Sea ang ibinabalik din sa bansa bilang imported frozen fish, tulad ng ₱68 milyong halaga ng mackerel mula China na idineklarang chicken poppers sa Subic.
Binigyang-diin ni Sen. Pangilinan na ang agricultural smuggling ay economic sabotage, na may parusang habangbuhay na pagkakakulong sa ilalim ng batas.
Ipinunto pa ng Senador na hanggang ngayon wala pa ring napapanagot na agri smugglers kung kayat tiniyak nito na ipagpapatuloy ng Senado ang imbestigasyon upang mapanagot ang lahat ng sangkot.
Samantala, nakatakdang ipatawag naman ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform ang nasa 12 Chinese nationals na pinaniniwalaang nakikipagsabwatan sa local traders na kinasuhan kamakailan dahil sa misdeclared at smuggled agricultural goods.
Na-cite in contempt naman ang isang opisyal ng Bureau of Customs dahil sa paglihis sa imbestigasyon ng komite.