Binigyang diin ng DSWD na ang pagsusulong ng volunteerism sa social protection program ng nasabing departamento ay upang mapangalagaan din ang kalagayan ng mga mamamayang Pilipino.
Una nang nilagdaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency (PNVSCA) ang isang Memorandum of Understanding (MOU) sa layuning hikayatin at isulong ang volunteerism sa paghahatid ng mga programa at serbisyo sa pangangalaga ng lipunan sa bansa.
Sinabi DSWD Secretary Rex Gatchalian ang kahalagahan ng oras na iniaalok ng mga organisasyon sa pag-mainstream ng volunteerism ng social welfare at development landscape.
Aniya, inaabangan ng nasabing departmento ang nasabing partnership dahil makakatulong ito sa lahat ng mamamayang Pilipino.
Ipinahayag din ni Gatchalian ang kanyang pasasalamat sa Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency sa pangunguna sa promosyon at koordinasyon ng mga programa at volunteer service sa paghahatid ng proteksyon sa lipunan.
Ang MOU na nilagdaan nina Secretary Gatchalian at Executive Director Donald James Gawe ay naglalayon na magtatag ng mekanismo kung saan ang mga boluntaryong organisasyon at indibidwal ay maaaring masangkot sa pagpapatupad ng mga programa at serbisyo sa proteksyong panlipunan.
Una na rito, ang DSWD ay kabilang sa mga unang ahensya ng gobyerno na nagpatibay ng Bayanihan Bayan Program ng Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency, na volunteer program ng gobyerno na naghihikayat sa pagboboluntaryo sa mga Pilipino at nag-uutos sa mga empleyado ng gobyerno na magboluntaryo sa paglilingkod sa panlipunan, pang-ekonomiya, at mga gawain sa pag-unlad sa komunidad.