Tahasang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, na pulitika ang nakikitang motibo sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Ito ay batay sa development sa isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa kaso.
Sa ngayon may magandang lead na ang mga imbestigador para matukoy kung sino ang mastermind sa pagpatay sa gobernador.
Inihayag ng Pangulo na hindi katanggap tanggap ang pagpatay sa kaibigan nito na si Degamo kaya nararapat lamang na managot ang nasa likod ng pamamaslang.
Sa ngayon kuntento ang Pangulo sa naging usad ng imbestigasyon.
Mariing kinondena ng Pangulo ang insidente at babala sa mga suspeks maari silang tumakbo subalit hindi sila makakapagtago dahil binabantayan na sila ng mga otoridad.
Inatasan ng Pangulo si Interior Secretary Benhur Abalos kasama ang PNP na ngayon pa lamang tukuyin na ang mga lugar na political hotspots areas kahit malayo pa ang halalan.
Layon nito na maiwasan na may dadanak pang dugo kahalintulad sa kaso ni Degamo.
Mahalaga na matukoy ang mga political hotspot areas ng sa gayon may mga hakbang ng ipatutupad ang mga otoridad.
Sa ngayon nagpapatuloy pa rin ang hot pursuit operations laban sa iba pang mga suspeks na at large.