-- Advertisements --

kadiwa

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos ang paglulunsad ng KADIWA ng Pangulo sa Cebu na layong maipagpatuloy ang pagbibigay ng murang bilihin sa mga consumers.

Sa talumpati ng Pangulo kaniyang sinabi na naging popular ang Kadiwa ng Pasko at hinahanap aniya ito ng mga tao kaya’t minarapat nilang ipagpatuloy ang programa na ngayo’y tinawag ng KADIWA ng Pangulo.

Sinabi ng Punong Ehekutibo na bukod sa pagma-market ng agricultural products sa KADIWA ng Pangulo ay mabibigyan din ng pagkakataon ang mga micro-small and medium enterprise para mai-market ang kanilang mga produkto.

Sa nasabing aktibidad, inanunsiyo din ni Pangulong Marcos ang paglulunsad ng KADIWA para sa mga manggagawa.

Ito ay pagtutulung tulungan aniya ng Department of Labor and Employment , DTI at ng Department of Agriculture sa gitna na rin ng target nilang lalo pang patamihin ang Kadiwa na ngayon ay nasa limang daan na.

“Dati ang nagsimula nito ay ‘yung Kadiwa ng Pasko. Gumawa ng Kadiwa para noong Christmas season. Iyon lamang ay napuna namin ay napaka popular at gustong-gusto ng tao dahil nga naman ay may bilihin na mas mura kaysa sa makukuha sa labas. Kaya’t habang tumagal ang panahon tapos na ang Pasko ay sabi ko dapat naman siguro ay ipatuloy na natin kaya’t naging Kadiwa ng Pangulo na ngayon ay simulan natin dito sa Cebu,” pahayag ng Chief Executive sa mga local producers at consumers sa Cebu.