-- Advertisements --

Asahan na sa darating na mga linggo na mapirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dalawa sa unang panukalang batas na napagtibay ng 19th Congress.

Itoy matapos ang ceremonial signing ng enrolled bills ng SIM Card Registration Act at Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) Election Postponement, sa pangunguna nina House Speaker Martin Romualdez at Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri.

Layon ng SIM Card Registration Bill, na i-regulate ang bentahan ng SIM card para mahinto ang paggamit nito sa mga mga ilegal na aktibidad tulad ng scam at maging krimen.

Sa nasabing batas, aatasan nito ang mga end user na magrehistro sa kauukukang Public Telecommunication Entity (PTE), bago tuluyang ma-activate ang kanilang SIM.

Ang pagpapaliban naman ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ay isasagawa sa huling Lunes ng October 2023, mula sa orihinal na petsa na December 5, 2022.

Umaasa naman si Speaker Romualdez na magtutuloy-tuloy ang magandang ugnayan sa pagitan ng Kamara at Senado, para sa pagpapatibay ng iba pang mahahalagang legislative measures na itinutulak ng Marcos administration.