Panday pinagbabaril patay sa South Cotabato

CENTRAL MINDANAO-Patay ang isang karpentero sa pamamaril sa lalawigan ng South Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Eduardo Fernandez,54 anyos,may asawa at residente ng Purok Upper Maligaya Barangay Poblacion Tantangan South Cotabato.

Ayon sa ulat ng pulisya na nasa loob lamang ng kanyang sari-sari store ang biktima kasama ang maybahay nito ng biglang pumasok ang hindi kilalang suspek at pinagbabaril ito gamit ang kalibre.45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang salarin patungo sa Tacurong City sakay ng motorsiklo sa naghihintay nitong kasama.

Agad dinala sa pagamutan ang biktima sa Koronadal City ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Nagtamo ng apat na tama ng bala sa kanyang katawan si Fernandez dahilan ng kanyang kamatayon.

Sa ngayon ay blangko pa ang mga otoridad sa motibo sa pamamaril patay sa biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga.