Muling nanawagan si Senador Francis Tolentino na panatilihin ang iconic na disenyo ng jeepney sa isinusulong na Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program upang mapanatili ang kasaysayan at kultura ng bansa na may kaugnayan sa nasabing staple transportation mode.
Ayon kay Tolentino, ang mga jeep ay bahagi na ng kasaysayan na kalaunan ay papalitan ng flat nose, kwadrado na parang refrigerator na may gulong ang naturang public transportation.
Sinabi naman ni Office of Transportation Cooperatives Chairman Andy Ortega, na mas nakatutok ang Department of Transportation (DOTr) sa pagpapanatili ng pamantayan sa kaligtasan at environment-friendly ng mga modernong sasakyan.
Gayunpaman, tiniyak ng opisyal ng DOTr sa Senador na isinama na nila ang kanilang paghimok para sa kooperatiba na pumili ng mga modernong jeepney na may iconic Filipino design.
Samantala, hinimok ni Tolentino si Ortega na makipag-usap sa mga lider na tumututol sa modernisasyon ng PUV lalo na sa mahigit 30,000 public utility jeepneys.
Tugon ni Ortega na bukas ang DOTr na makipagdayalogo at naging maagap sa information drive rin aniya ang ahensya para sa mga driver at operator bago pa man ang deadline ng consolidation noong Disyembre 31, 2023.