BOMBO DAGUPAN – Patuloy na nananawagan ng koordinasyon ang pamunuan ng Roman Catholic Cemetery ukol sa kanilang gagawing relocation ng mga buto ng mga yumao at rehabiliation sa naturang sementeryo, at pagpapataas ng lupang pagpapatayuan ng panibagong himlayan ng mga namayapa.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Monsignor Manuel Bravo, ang siyang Parish Priest ng St. John the Evangelist Cathedral at tagapamahala ng Roman Catholic Cemetery, kasalukuyan silang nagsasagawa ng information dissemination upang mabigyang abiso ang mga kaanak ng mga maaapektuhang himlayan ng mga yumao sa kanilang gagawing rehabilitasyon.
Kaugnay kasi ito sa patuloy na nararanasang problema ng syudad ng Dagupan gaya na lamang ng tubig baha at high tide kung saan apektado na ang naturang sementeryo.
Ang isinaad na paraan ang nakita nilang solusyon upang manumbalik ang kaayusan ng lugar.
Nanawagan ang naturang monsignor ng koordinasyon ng mga kaanak ng mga yumaong maapektuhan upang mabigyan ng kaukulang proseso at respeto sa gagawing rehabilitasyon.
Kaugnay naman nito, nagpapasalamat aniya sila sa New Chinese Cemetery kasama ang Filipino-Chinese Chamber of Commerce sa pagpapahintulot na magamit pansamantala ang kanilang area upang maging alternatibong daan patungo sa lokasyon ng rehabilitasyon.
Magsisimula aniya ang rehabilitasyon sa katapusan ng buwan ng Enero at magsisimula sa unang linggo ng buwan ng Pebrero.