CAUAYAN CITY – Handa ang pamunuan ng Police Regional Office (PRO) 2 na tumalima sa panawagan ng DILG na courtesy resignation sa mga 3rd level officials ng Philippine National Police (PNP).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Saturnino Soriano, tagapagsalita ng PRO2, sinabi niya na buo ang suporta ng Police Regional Office 2 sa panawagan ni Kalihim Benhur Abalos ng DILG dahil naniniwala sila sa mabuting hangarin ng naturang hakbang may kaugnayan sa Internal Cleansing sa buong Hanay ng Pulisya.
Aniya nais ni Acting Regional Director BGen. Percival Antolin Rumbaoa na sabay-sabay ang gagawin nilang pagpirma ng Courtesy Resignation kasama ang iba pang opisyal ng PRO2.
Iginiit din ng pamunuan ng PRO2 na walang ikakatakot ang mga matataas na opisyal kung walang kinasasangkutang anomalya tulad ng iligal na kalakalan sa droga.
Bagamat hindi ito ang tamang proseso ay aminado siya na ito ang pinakamabilis na hakbang upang malinisan ang Pambansang Pulisya ng Pilipinas.
Dagdag pa niya na mahigpit din ang panuntunan ng PRO2 may kaugnayan sa paglilinis sa kanilang hanay o kanilang PNP personnels maging sa mga lower ranks dahil hindi rin nila kinukunsinti ang maling gawain ng kanilang mga personnel.