Naglabas na ng pahayag ang pamunuan ng Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig city kaugnay sa insidente ng pandurukot sa South Korean professional football player na si Park Yi-young noong nakalipas na linggo.
Kinumpirma ng BGC ang insidente at sinabing agad na nakatanggap ng tulong ang atleta mula sa security officer ng BGC nang mangyari ang insidente.
Inalok din umano si Park na maghain ng police report sa Police Sub-Station sa loob ng BGC laban sa mga salarin subalit tumanggi umano ito.
Sinabi din ng BGC na nananatili umano silang vigilante at aktibong nakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa kanilang nasasakupan.
Ginawa ng pamunuan ng BGC ang pahayag na ito matapos mag-viral sa social media at umani ng batikos mula sa mga netizen ang insidente na tinawag pa ng ilan na ‘nakakahiya’.
Una rito, ibinahagi ng Korean football star noong July 4 ang isang clip ng 2 babae na naglalakad palayo sa kaniya at tinatakpan ang kanilang mga mukha matapos na tangkaing pagnakawan ito habang naglalakad sa harapan ng isang establishimento.
Aniya, tahimik na sinundan siya ng 6 na kababaihan kung saan hinarang siya ng 3 habang ang iba ay nasa likuran niya. Nang icheck nito ang kaniyang bag nakuha na ang kaniyang wallet. Nagawa nitong mahabol ang ilan sa mga ito at nabawi ang kaniyang pitaka subalit nawawala na ang ilan sa kaniyang cash.
Sinabi din nito na humingi siya ng tulong mula sa ilang security guards sa lugar subalit hindi umano nag-react ang mga ito.
Sa huli, sinabi niyang ligtas siya at pinayuhan ang lahat na manatiling alerto at mag-ingat upang hindi na maulit ang nangyari sa kaniya.