Iniulat Nationald Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na umabot na ng 16,762 pamilya ang naapektuhan ng pananalanta ng bagyong Vicky sa bansa.
Sa inilabas na update ng ahensya, katumbas ito ng 68,088 indibidwal na naninirahan sa 239 barangays sa Central Visayas, Eastern Visayas, Davao Region at Caraga.
Sa nasabing bilang, 1,053 pamilya o 4,791 katao ang kasalukuyang naninirahan sa 48 evacuation centers habang 1,180 pamilya o 4,627 katao ang tinutulungan pa.
Pumalo naman ng 235 kabahayan ang naitalang nasira sa Central Visayas, Davao Region at Caraga.
120 sa mga ito ang classified bilang “totally damaged” habang 115 naman ang “partially damaged.”
Nananatili naman sa walo ang naitalang namatay, dalawa ang sugatan at isa naman ang nawawala pa.
Samantala, mahigit P117 milyong halaga ng pinsala sa imprastruktura ang iniwan ng bagyo sa Bicol, Davao Region, at Caraga habang pumalo ng mahigit P5 milyon ang nasira sa agrikultura sa Davao De Oro.