-- Advertisements --

Humiling ang pamilya ng yumaong Nigerian basketball player na si Divine Adili na magsagawa muna ng autopsy sa kanyang labi bago ito iuwi sa Nigeria, ayon sa pahayag ng Embahada ng Nigeria sa Maynila.

Ayon sa embahada, nais ng pamilya ni Adili na magkaroon muna ng masusing pagsusuri tungkol sa sanhi ng pagkamatay ni Divine bago iuwi ang kanyang labi sa Nigeria.

Matatandaang nasawi si Adili, 21 taong gulang, kasama ang kanyang teammate na si Rene Baterbonia, 19 taong gulang, matapos silang malunod sa isang team-building activity sa karagatan ng Dipaculao, Aurora noong Lunes.

Si Adili ay isa sa mga inaasahang rookie big men ng Ateneo Blue Eagles sa nakaraang season ng UAAP.

Samantala, inatasan na ng Department of Justice ang National Bureau of Investigation na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy kung may sapat na batayan para sa pagsasampa ng kaso kaugnay ng insidente.

Ayon sa DOJ, bumuo na ang NBI ng isang task force upang magsagawa ng komprehensibo at patas na pagsisiyasat sa pangyayari.

Sa ngayon, sinabi naman ng mga imbestigador ng pulisya sa Aurora na wala pa silang nakikitang senyales ng foul play batay sa mga affidavit ng lifeguard at mga responder na unang tumulong sa mga biktima.