(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Nagkaayos na umano ang pamilya Chipada at ang management ng Amaya View na pagmay-ari ng politikong angkan sa Barangay Indahag, Cagayan de Oro City.
Ito’y matapos unang nag-viral ang uploaded na actual video kung paano kinagat ng labing dalawang talampakan na taas o haba na buwaya ang biktima na si Nemehias Chipada, 68 anyos, may asawa na taga-Barangay Aposkahoy, Claveria, Misamis Oriental sa nabanggit na lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ng anak na si Samson Chipada na unang nagpa-picture ang kanyang ama sa miniature na pagong kaya naisipan nito na susunod sana na hahawakan ang kunwari na palutang-lutang na buwaya.
Sinabi ni Chipada na bago pa man mahawakan ng kanyang ama ang tila plastik kung tingnan na buwaya ay sinalubong na ito ng matulis na mga pangil kaya nahulog sa tubigan at nakipagtoos para makatakas.
Salaysay pa umano ng kanyang ama na mabuti na lang at mayroong bato sa ilalim ng tubig kaya kinuha niya ito upang hampasin ang ulo ng buwaya kaya nabitawan nito ang kanyang kaliwang braso na puno na ng mga sugat.
Una nang nagpaabot ng tulong pinansyal ang management subalit nahinto umano kaya ay muli nila itong kinalampag at katunayan ay nagkaroon na naman ng aregluhan dala ang pangako na sasagutin ang buong gastusin kasama ang isasagawa na operasyon.
Magugunitang una nang i-dinepensa ng ilang trabahante ng Amaya na talagang sinadya ng biktima na pasukin ang lokasyon ng buwaya kahit na mayroong babala na delikado kaya nangyari ang pananakmal.
Bagamat tahimik lang ang pamilya Unabia na angkan ng mga politiko sa Misamis Oriental ukol sa usapin subalit makikita naman na hindi nila pinalagpas ang pangyayari dahil sa sunud-sunod na pagbibigay tulong pinansyal para sa pamilya ng biktima.
Una ring dumulog sa Bombo Radyo ang dalawang anak ng biktima upang magpatulong na mailipat mula sa pribadong ospital papunta sa Northern Mindanao Medical Center kung saan nakatakdang isagawa ang operasyon.
Napag alaman na napasyal ang biktima kasama ang kanyang dalawang anak sa lugar dahil birthday treat pala sana ito subalit nahaluan ng trahedya.