CAUAYAN CITY- Humingi ng tulong sa Bombo Radyo Cauayan ang pamilya ng isang laborer na mahigit isang linggo nang nawawala.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ronnel De Guzman ng Bannawag Norte, Santiago City, kapatid ng nawawala na si Reymart De Guzman, sinabi niya na huli niyang nakita sa kanilang barangay ang kanyang kuya nang bumisita June 22, 2020.

Una rito ay may paikut-ikot na pick up na may plakang JBB 132 sa kanilang lugar habang may isa pang sasakyan na nag-aabang sa highway sa kanilang barangay.

Mayroon din anyang nagtungo sa kanilang barangay at kinunan ng larawan ang kanilang bahay sa Santiago City.

Sinabi niya na pabalik sa kanyang bahay ang kanyang kuya sa Buselelao, Echague na kanyang inihatid sa daan ngunit sinabi pa kanya ng misis na mayroon umanong sumunod sa kanila matapos na sila’y umalis ng kanyang kapatis.

Pagkalipas lamang ng ilang minuto ay tumawag sa kanya ang isa nilang pinsan at sinabing may humahabol sa kanyang kuya.

Mula noon ay hindi na nakita ang kanyang kapatid.

Iginiit ni Ronnel de Guzman na mabait ang kanyang kuya at walang nakaaway subalit pinaghihinalaan umano siya sa pagpatay sa barangay kapitan ng Buselelao, Echague dahil kapareho ng motor nito ang mga sinakyan ng suspek .

Ngunit inihayag ni Police Major Michael Esteban, hepe ng Echague Police Station sa Bombo Radyo Cauayan na hindi suspek sa naturang krimen si Reymart De Guzman.