-- Advertisements --

Hinikayat ng pamilya ng mga political prisoners si Chief Justice Diosdado Peralta na gumawa ng hakbang upang gawing patakaran ang writ of kalayaan para sa kanilang mga kaanak na nakakulong.

Ito ang naging panawagan ng grupo bago ang maagang pagreretiro sa pwesto ni Peralta sa Marso 2021.

Sa sulat na ipinadala ni Fides Lim, asawa ni Vicente Ladlad, umaasa raw ito na bago iwan ni Peralta ang kaniyang katungkulan sa Supreme Court (SC) ay dapat itong mag-iwan ng isang magandang gawain.

Sa pamamagitan aniya ito ng pagkakaroon ng promulgation sa Writ of Kalayaan.

Si Ladlad, consultant ng National Democratic Front (NDF), ay inaresto noong Nobyembre 2018 dahil sa kasong illegal possession of firearms makaraang masabat ng mga otoridad sa kaniyang bahay sa Quezon City ang rifles, pistols at mga bala.

Isa si ito sa 22 petitioners na humiling sa Supreme Court na sila ay palayain dahil sa COVID-19 pandemic ngunit ayon sa SC, trial courts ang dapat na magdesisyon ukol sa petisyon.

Para naman kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen, ang writ of kalayaan ay magiging katulad ng writ of kalikasan na nakatuon naman sa jail congestion. Dapat lang umano itong ipatupad sa oras na mapatunayang may nagaganap na hindi katanggap-tanggap sa loob ng mga kulungan.