CAUAYAN CITY- Isinailalim sa swab test ang apat na kapamilya ng nasawing Covid-19 patient sa Cauayan City.
Ang nasawi ay si patient CV2856, lalaki, 59 anyos at residente ng Mabantad, Cauayan City na nakaranas ng lagnat, pag-ubo at pananakit ng dibdib.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brgy. Kagawad Francisco Asuncion Jr., sinabi niya na kasalukuyan ng nagmomonitor ang Department of Health sa kanilang barangay at isinailalim na sa swab test kapamilya ng nasawing COVID-19 patient.
Ang pasyenteng nasawi ay inilibing noong araw ng Sabado sa San Francisco cemetery at umabot sa 25 katao ang nakipaglibing na sa kasalukuyan ay sumasailalim sa strict home quarantine.
Kasabay nito ay ipinatupad na ang lockdown sa ilang bahagi ng Purok 7 Mabantad, Cauayan City.
Ayon kay Barangay Kagawad Asuncion, layunin nito na mabigyang daan ang isasagawang malawakang disinfection.
Pinag-aaralan na ng mga opisyal ng barangay ang pamamahagi ng ayuda sa pamilyang kasalukuyang naka-strict home quarantine.