Hinamon ng pamilya ng pinaslang na mamamahayag na si Percy Lapid si suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director-General Gerald Bantag na lumantad at tanggapin ang subpoena laban sa kaniya.
Sinabi ng kapatid ni Lapid at tagapagsalita ng pamilya na si Roy Mabasa na dapat sagutin ni Bantag ang mga reklamo laban sa kaniya at humarap dahil hindi pa naman aniya warrant of arrest ang inisyu laban sa kaniya kundi pinasasagot lamang siya.
Saad pa ni Mabasa, maraming maaaring sabihin si Bantag at marahil aniya ay mapiga ito na ibunyag kung mayroon pang ibang tao na nasa likod ng pagpaslang sa kaniyang kapatid.
Una rito, isinilbi ang subpoena kay Bantag sa huling address nito sa Caloocan City subalit siya at ang kaniyang pamilya ay napaulat na lumipat na mula ng maitalagang Bureau of Corrections director general.
Sinabi naman ng legal counsel ni Bantag na si Atty. Rocky Balisong na nakatakda pa lamang na matanggap ng kaniyang kliyente ang subpoena dahil kasalukuyang nasa Baguio City pa ito.
Una na ring sinabi ni Bantag na hindi siya nagtatago sa mga awtoridad at handa siyang sagutin ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Naglabas na rin ng order ang Justice Department para kay Bantag para humarap ito sa preliminary investigation hearings sa Nobiyembre 23 at Disyembre 5.
Nagbabala din ang DOJ sakaling mabigong dumalo si Bantag sa preliminary investigation ay isusumite ang kaso para sa resolution.