-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Umapela na ang pamilya Adiong mula sa binuong task force ang pagre-resolba sa nangyaring pananambang sa convoy ni incumbent Provincial Governor Mamintal ‘Bombit’ Adiong Jr sa bayan ng Maguing,Lanao del Sur.

Ito ang apela sa kapatid ng gobernador na si Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong upang mabilis mabigyang hustisya ang kanilang apat na mga kaanak kung saan tatlo ay mga pulis nang mapuruhan sa mga umuulan na mga bala mula sa tinatayang 10 na armadong kalalakihan na tumambang sa mga biktima.

Iminungkahi rin ng kongresista sa mga otoridad na magpatupad pa ng mahigpit na seguridad upang hindi na masundan na mayroon pang local chief executive official na biktima ng anumang uri ng kremin.

Magugunitang hinihintay ng pamilya ang opisyal na resulta ng imbestigasyon mula sa special investigation task group para maging basehan nila pagsampa ng mga kaukulang kaso sa piskalya laban sa mga salarin.

Nakaligtas nga sa matinding kapahamakan ang gobernador kahit tinamaan sa tiyan subalit nasawi naman ang kanyang security escorts sa pangyayari noong nakaraag linggo.

Napag-alaman na iniwasan muna ng pamilya na maglabas ng anumang haka-haka kahit mayroong lumutang na posibleng dahil sa alitan ng pamilya o ang kampanya kontra na illegal na droga ang dahilan sa pananambang.