BUTUAN CITY – Umapela ng panalangin at suporta ang pambato ng Agusan del Sur sa Miss Earth Philippines 2020 matapos itong manalo sa kanilang beach wear competition nitong Huwebes.

Ang magandang pagrampa ni June Cyra Pineda na taga-Talacogon suot ang color pink na beach wear na gawa ni King Aranchado ay syang nangingibabaw kumpara sa ibang mga kandidata kung kaya’t siya ang naka-gold sa nasabing kompetisyon.

Sumunod sa kanya si Shane Quintana Tormes sa Atimonan, Quezon na sya namang nakakuha ng silver habang bronze naman ang nakuha ni Roxie Baeyens ng Baguio City.

Matatandaang nitong nakaraang linggo ay nanalo din ang provincial tourism ambassadress ng Agusan del Sur sa talent competition (dancing category) kung saan ipinamalas ng mga contestants ang kanilang mga skills mula sa kani-kanilang pamamahay.

Ito ang unang virtual edition ng Miss Earth Philippines kung saan sa unang pagkakataon, ang winner ay virtual na kokoronahan upang magiging representante ng Pilipinas sa Miss Earth 2020.

Ang magrereyna ay susunod sa yapak ni Miss Earth Philippines 2019 Janelle Lazo Tee na siyang kumatawan sa Pilipinas sa Miss Earth 2019.