-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan ng ilang senador ang magkakasunod na insidente ng pagpaslang at pagkawala ng mga abogado at mga hukom.

Batay sa inihaing Senate Resolution No. 593 ni Sen. Imee Marcos, kailangan aniyang siyasatin na ang limang insidente ng pagpaslang at dalawang pagkawala ng naturang nasa legal profession.

Nitong Enero lang, ang dating abogadong si Atty. Edgar Mendoza ng Batangas at ang driver nito’y natagpuang patay sa isang nasunog na sasakyan sa Tiaong, Quezon.

Awayan sa pera sa pagitan ni Mendoza at kliyente nitong si Sherwin Punzalan ang hinihinalang motibo sa karumal-dumal na krimen.

Ang pag-ambush kay Court Judge Jeaneth Gaminde-San Joaquin at ang pagpaslang kay Manila Regional Trial Court Judge Maria Teresa Abadilla, Atty. Eric Jay Magcamit at Atty. Joey Luis Wee ay gumulantang din sa legal community at maging sa buong bansa.

Naiulat ding nawawala sina dating Court of Appeals Justice Normandie Pizarro at kamakailan ay si Atty. Ryan Oliva na hanggang sa kasalukuyan ay hinahanap pa rin ng mga awtoridad.

“Ang buong legal community, mula sa iba’t-ibang aspeto, ay nagpapahayag ng pagkadismaya, pagkondena, at takot sa sunod-sunod na pag-atake at kasamaan sa mga miyembro ng bar at iba pang mga tanggapan ng korte na nakakatakas lang sa batas at tila walang napaparusahan,” ani Marcos.

Dagdag ng senadora na “bagamat magkakahiwalay na kaso ang mga ito, kailangan pa ring mabusisi ang isyu na kapwa biktima ang mga nasa iisang larangan, dahil sila ang inaatasan ng pamahalaan na mangalaga sa hustisya at magpatupad ng batas.”

“Wag na tayong maghintay pa ng mga susunod na krimeng masasangkot ulit ang mga nirerespetong miyembro ng legal community bago pa tayo umaksyon sa hindi magandang insidenteng tulad nito,” pagdidiin ni Marcos.

Habang sa panig naman ni Sen. Leila de Lima, nakakabahala rin ang pamamaslang kahapon kay Atty. Ma. Concepcion Landero-Ole sa Danao, Cebu.

Hindi umano ito dapat mapabilang na naman sa humahabang listahan ng mga kaso ng pagpatay na nababaon sa limot.

“The culture of killings and disregard for human life as sown by the Duterte regime continues to reap its grim toll almost daily, further desensitizing us to what in any civilized society should be an abominable and monstrous state of affairs that cannot simply be allowed to continue,” wika naman ni De Lima.