CENTRAL MINDANAO – Mariing kinondena ni Carmen, Cotabato Mayor Moises Arendain ang pagbaril- patay sa kanyang chief of police.
Nakilala ang biktima na si police Major Joan Resurreccion, may asawa at residente ng Kidapawan City.
Una rito, nagsagawa ng pursuit operation si Major Resurreccion kasama ang isa pang pulis matapos barilin at nakawan ang isang Indian National na nagpapautang sa sitio Tawan-Tawan, Brgy Poblacion sa bayan ng Carmen.
Sa kasagsagan ng habulan ay nagkaputukan sa quarry site sa gilid ng ilog at tinamaan ang opisyal sa kanyang dibdib at kili-kili.
Naisugod pa ang biktima sa Carmen District Hospital ngunit binawian din ito ng buhay.
Ikinalungkot naman ni Mayor Arendain ang sinapit ng kanyang chief of police sa bayan ng Carmen.
Inatasan ni Arendain ang mga opisyal ng barangay na tumulong para matukoy at agad mahuli ang mga suspek.
Nagdagdag naman ng mga pulis si Cotabato police provincial director Colonel Henry Villar sa bayan ng Carmen na tutulong sa pagtugis sa mga suspek.