-- Advertisements --

Iniimbestigahan ngayon ng Commission on Human (CHR) ang pagkasawi ng isang estudyante sa Davao City.

Ito ay matapos na ilang beses umano itong barilin ng isang non-uniformed personnel ng Philippine National Police (PNP) nang magkagulo sa isang bar sa kanto ng V. Mapa at J. Camus Extension Street.

Sa isang statement ay sinabi ng CHR na layunin ng kanilang ginagawang pagsisiyasat na tumulong sa pagtatatag ng katotohanan sa gitna ng salungat na mga salaysay mula sa magkabilang panig, mapapanagot ang salarin, at makamit ang hustisya sa pagkamatay ng biktima.

Batay kasi sa impormasyong mula sa Davao City Police Station, nagkaroon ng alitan sa pagitan ng 19 anyos na si Amier Mangacop, at grupo ni Marvin Rey Pepino na isang doktor at non-uniformed personnel ng PNP Regional Office sa nasabing lugar noong Hulyo 2.

Pero iginiit ni Pepino na self-defense ang nangyari dahil bigla na lamang daw kasi siyang inatake ng biktima dahilan kung bakit siya bumunot atsaka ito pinaputukan ng baril.

Bagay na pinabulaan naman ng pamilya ni Mangacop at sinabing tumawag daw ang isang pinsan nito para ipasundo na ito mula sa bar.

Sa katunayan pa anila’y mayroon na raw talagang nangyayaring kaguluhan sa nasabing bar nang dumating doon ang biktima at kaniyang mga kasama.

Ayon sa CHR, ang kanilang imbestigasyon ay posible ring mauwi sa pagsusuri sa mga guidelines of firearm use and regulation sa bansa.

Kinwestiyon din kasi nito kung bakit may dalang baril ang isang non-uniformed personnel sa labas ng kaniyang tirahan partikular na habang umiinom sa isang bar.

Samantala, nagpahayag naman ng pagkilala ang nasabing kagawaran sa nagpapatuloy na imbestigasyong ginagawa ngayon ng San Pedro Police at Philippine National Police Davao Region sa kaso.

Ngunit sinabing hinihiling daw ng pamilya ng biktimang estudyante na ipahawak na sa National Bureau Investigation (NBI) ang kasong ito dahil sa pangambang baka magkaroon ng “suppression” at “whitewash” ang local at regional police ukol dito.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng San Pedro Police ang suspek sa nangyaring krimen matapos na ihain laban dito ang reklamong murder at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.