Hinimok ng Gabriela party-list ang DSWD na kaagad na ipamahagi ang P8,000 cash aid sa ilang milyong pamilyang Pilipinong apektado ng COVID-19 pandemic.
Iginiit ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na dapat isaalang-alang ngayong umiiral ang national state of emergency ang pagkakaroon ng “sense of urgency” sa pagpapaabot ng tulong ngayong marami na ang nagugutom dahil sa public health crisis.
Hindi na aniya dapat hintayin pang mabuo ang database ng 18 milyong mahihirap na pamilyang Pilipno mula sa lahat ng mga barangay bago simulan ang pag-print ng cash cards at mamahagi ng ayuda.
“Simulan na ang release ng cash aid by waves or batches kada bayan o syudad habang itinatala ang covered families,” dagdag pa nito.
Bagama’t namamahagi na aniya ang mga local government units ng food packs, sinabi ni Brosas na hindi pa rin ito sapat.
“We strongly ask the DSWD to streamline the mechanisms for the implementation of social amelioration program in such a way that it will be expeditious and inclusive. Ituring na hiwalay na programa ang 4Ps para hindi na magkwenta pa ng balanse na tatanggapin ng isang pamilya,” ani Brosas.