CEBU CITY – Inanunsyo ni Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Council Head Atty. Gerry Carillo na nakatakdang maghain ang Pamahalaang Lungsod ng petisyon para sa Writ of Kalikasan sa Korte Suprema upang maparusahan ang mga lalabag sa waterway easement .
Layun nitong maprotektahan ang pitong pangunahing ilog ng lungsod, mabigyan ng epektibo at mabilis na lunas at tugunan ang anumang posibleng malakihang banta sa ekolohiya.
Maliban pa, mas magbibigay din umano ito kapangyarihan sa Water Code of the Philippines na nagbabawal sa mga istruktura na makapasok sa three-meter easement zone ng mga ilog at iba pang daluyan ng tubig.
Isa umano itong “one of a kind” para sa isang lokal na pamahalaan na maghain ng petisyon sa korte para sa Writ of Kalikasan.
Umaasa naman si Carillo na maging epektibo ito para muling buhayin ang mga ilog ng lungsod sa tulong ni dating Department of Environment and Natural Resources of the Philippines (DENR) Secretary Roy Cimatu tulad ng ginawa nito sa mga isla ng Palawan at Boracay.
Bagama’t walang ibinigay na deadline kung kailan ihahain ang petisyon, sinabi ni Carillo na “napakagandang” hakbang umano ito upang maibalik ang mga ilog ng lungsod at maiwasan ang karagdagang pinsala sa hinaharap.