-- Advertisements --

Plano ng pamahalaan na palakasin pa ang pamamahagi ng food stamps at pabilisin ang pag-aangkat ng mahahalagang commodities para makapaghanda sa posibleng epekto ng El Niño sa bansa.

Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Sec. Arsenio Balisacan, makikipag-tulungan sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mapaspasan ang pamamahagi ng mga food asistance gayundin sa Department of Agriculture (DA) para sa pag-aangkat ng ilang food items upang sakali talagang magkaroon ng kakulangan ay mayroong sapat na maipapalamahagi mula sa storage.

Ang hakbang na ito ng pamahalaan ay sa gitna na rin ng nakaambang epekto ng El Niño phenomenon na magtatagal hanggang sa ikalawang kwarter ng 2024 at maaaring tumama sa mahigit 65 lalawigan.

Ayon din sa NEDA chief, bumuo ang pamahalaan ng isang Task Force on El Niño para i-consolidate ang iba’t ibang mga hakbangin ng mga ahensiya para maibsan ang adverse effects ng naturang phenomenon sa tubig, kuryente, kalusugan at seguridad ng publiko.

Inanunsiyo din ni Sec. Balisacan na papalawigin ng Marcos administration ang pansamantalang pagtapyas sa taripa ng mahahalagang produktong pang-agrikutura gaya ng karne, mais at bigas na nakatakda sanang magpaso sa Disyembre 31.