Inihayag ng National Economic Development Authority (Neda) na on track ang pamahalaan para makamit ang target nito na mapababa ang poverty rate sa Pilipinas ng hanggang 5% points sa mid-term ng adminsitrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Paliwanag ni Neda Director General Arsenio Balisacan, nasa 18.1% ang poverty rate ngayon sa bansa subalit target ng gobyerno na mapababa pa ito sa 5 percentage points mula sa 18% sa kalagitnaan ng panunungkulan ng kasalukuyang administrasyon.
Ibinahagi din ng NEDA official na target ng gobyerno na maabot ang 9% na poverty incidence sa bansa sa katapusan ng termino ng Pangulong Bongbong Marcos sa taong 2028.
Ayon kay Balisacan na sa kasalukuyang trend ng economic recovery kasabay ng pagsigla ng economic activity, maaaring maabot ng bansa ang target nito para ngayong taon.
Saad pa nito na binibilisan na rin ng pamahalan ang paglulunsad ng digitalization para mapagbuti pa ang inisyatibo na mapababa ang kahirapan sa buong bansa.
Una rito, iniulat ng Philippine Statistics Authority na tumaas ang poverty incidence sa bansa ng hanggang 18.1% noong 2021 na katumbas ng 19.99 million mahihirap na Pilipino.