Inaasikaso na ng pamahalaan para maiuwi ang mga labi ng 2 Pilipino na nasawi dahil sa giyera sa pagitan ng Israeli forces at militanteng grupong Hamas.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo De Vega, nagpapatuloy ang proseso para sa posibleng repatriation ng mga labi ng nasawing Pilipino.
Una ng sinabi ni USec. De Vega na matatagalan ang repatriation lalo na dahil sa kasalukuyang sitwasyon sa Israel at kahit na wala aniyang giyera, aabutin ang proseso ng 2 linggo.
Kung maaalala, kinumpirma nitong Miyerkules ng Embahada ng Pilipinas sa Israel na napatay ng rebeldeng Hamas ang 2 Pilipino.
Personal namang nakipag-usap si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naulilang pamilya ng dalawang Pinoy at nagpaabot ng pakikiramay at tiniyak na magbibigay ang pamahalaan ng kaukulang tulong na kanilang kailangan.