-- Advertisements --

Bwelta ang naging sagot ng Presidential Communications Office (PCO) sa pahayag ni Senator Imee Marcos na humihingi ito ng tawad sa kanilang yumaong ama dahil sa “hindi niya pagbabantay” sa kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa press briefing sa Malakanyang, hinimay ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ang mga salita ng senadora at kinuwestiyon kung sino nga ba sa magkapatid ang tunay na kailangang bantayan at naging “pasaway.”

Giit ni Castro, si Pangulong Marcos ay hindi nagmumura, hindi ito nagmi-meltdown lalo na sa publiko at hindi po ito nagbabanta sa buhay ninuman.

Binigyang-diin ng Palace Official ang pagiging maayos na padre de pamilya ng Pangulo at ang pananatiling “faithful”nito sa kaniyang asawa bilang kaibahan sa mga pasaring ng senadora. 

Kinuwestiyon din ni Castro kung ang paghingi ng tawad ni Sen. Imee ay para sa hindi pagbabantay o para sa kaniyang hayagang paninira sa sariling kapatid.

Sa kabila ng mga banat ng kaniyang kapatid, tiniyak ni Castro na nananatiling nakatutok ang Pangulo sa kaniyang trabaho at kailanman ay hindi nito ginantihan ng paninira ang senadora.