Sinagot ng Malacañang ang banat ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque kaugnay ng ginawang pag-jogging ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong nakaraang Lunes upang patunayan ang kanyang maayos na kalusugan.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, layon lamang ng Pangulo na ipakita sa publiko ang kanyang tunay na kondisyon upang tululdukan ang mga kumakalat na “kasinungalingan” tungkol sa kanyang kalusugan.
Matatandaang nag-post si Roque na nagsasabing mas mabuti pang maglabas ng medical bulletin kaysa mag-jogging ng ilang metro.
Bilang tugon, binuweltahan ni Castro si Roque at ang naging posisyon nito noong nakaraang administrasyon.
Ipinaalala rin ng opisyal na noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, mismong sina dating tagapagsalita Ernesto Abella at Harry Roque ang nagsabi na hindi kailangang maglabas ng health records dahil sapat na ang pahayag ng Pangulo.
Giit pa ni Castro, ang mga kasalukuyang paninira ay nagmumula lamang sa kampong nais pabagsakin ang administrasyon.
Sa pamamagitan ng pagpapakita na physically fit ang Pangulo, nais nitong isantabi ang mga spekulasyon na walang basehan at naglalayong maghasik lamang ng kaguluhan.










