-- Advertisements --

Nagtapos na ang kampanya nina Filipina tennis star Alex Eala at American partner na si Hailey Baptiste sa doubles tournament ng Italian Open matapos silang matalo kina Taylor Townsend at Kateřina Siniaková, 6-2, 6-1, noong May 12, sa Rome, Italy.

Sa simula ng laban, nakakuha agad ng abante sina Townsend at Siniaková bago tuluyang nakontrol ang ritmo ng laro.

Sa unang set, nakahabol pa sina Eala at Baptiste sa ilang puntos, ngunit napunta ang momentum sa Grand Slam doubles champions matapos silang makapagtala ng sunod-sunod na panalo sa games upang tapusin ang set sa 6-2.

Sa ikalawang set, agad ding nagdomina ang kalaban at nakapagtala ng 4-0 lead. Nakakuha ng isang game sina Eala at Baptiste para sa 4-1, ngunit hindi na nila napigilan ang tuloy-tuloy na agresibong serving at net play nina Townsend at Siniaková na nagtapos sa 6-1.

Sa kabila ng pagkatalo, inaasahang magpapatuloy si Eala sa kanyang clay-court preparations sa mga susunod na torneo kabilang ang WTA125 Parma Ladies Open at Internationaux de Strasbourg bilang paghahanda para sa French Open sa katapusan ng Mayo.