VIGAN CITY – Apektado na umano ang pakikisalamuha sa ibang tao sa Taiwan dahil sa misteryosong sakit na novel coronavirus.
Sa report ni Bombo International Correspondent Ana Mari Acosta na tubong-Quirino, Ilocos Sur ngunit matagal ng nagtatrabaho sa Yunlin, Taiwan, mayroon umanong ilang residente sa nasabing bansa ang hindi na masyadong nakikipag-usap sa ibang tao lalo na kapag nalaman nilang galing ang mga ito sa mainland China.
Aniya, halos lahat umano ng mga taong lumalabas ngayon sa Taiwan ay nakasuot ng surgical masks o di kaya naman ay N95 masks bilang bahagi ng kanilang pag-iingat upang hindi mahawaan ng nasabing sakit.
Dagdag pa nito na mayroon ding libreng masks na ipinamimigay ang ilang mga ospital sa Taiwan para sa mga residente at maging sa mga restaurants ay mayroon na ring nakahandang sanitizer sa labas ng establisyimento na maaaring gamitin ng mga customers.
Pinayuhan na rin umano ng gobyerno ng Taiwan ang mga kagaya niyang Overseas Filipino Worker at mga migrant workers na iwasan munang lumabas sa bahay ng kanilang mga amo kung wala naman silang importanteng lakad.
Sa kabila nito, tiniyak ni Acosta na kontrolado umano ng gobiyerno ng Taiwan ang sitwasyon sa nasabing bansa sa kabila ng banta ng nasabing sakit kaya walang dapat na ipag-alala sa kanilang kalagayan sa nasabing bansa.