Mas naging pursigido ngayon ang House of Representatives na protektahan ang interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) matapos ang naging talumpati ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa special joint session ng Kongreso.
Ito ang inihayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Sinabi ni Romualdez na maituturing na isang makasaysayang talumpati ang ibinigay ng Japanese leader kung saan inilahad nito na seryoso ang Japan na maging katuwang ang Pilipinas sa isyu ng seguridad at depensa.
Binigyang diin ni Kishida ang hangarin ng Japan na depensahan ang “Free and Open Indo-Pacific (FOIP)” upang matiyak ang malaya at ligtas na padaan sa karagatan at himpapawid sa pinag-aagawang teritoryo.
Sinabi ni Kishida na nagbigay ang Japan ng 12 barko sa Philippine Coast Guard (PCG) at isang kompanyang nakabase sa kanilang bansa ang nagbigay ng warning at control radar para sa Philippine Air Force (PAF) upang mapalakas ang kakayanan ng Pilipinas.
Maliban dito, may matatanggap din ang Philippine Navy na coastal surveillance radars mula pa rin sa Japan sa ilalim ng bagong tatag na Official Security Assistance (OSA).
Pinaplantsa na rin ang panukalang Japan-Philippines Reciprocal Access Agreement (RAA), na kanilang bersyon ng Visiting Forces Agreement (VFA).
Dahil dito, lubos na nagpapasalamat si Romualdez kay Prime Minister Kishida sa mga tulong na ibinigay nito sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na sila sa Kamara sinimulan na nila ang pagbibigay ng tulong sa Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines (AFP) gaya ng ginawa nilang realignment sa P1.23 billion na confidential funds sa ilalim ng P5.768-trillion General Appropriations Bill (GAB).
Binigyang halaga ni Speaker Romualdez ang mga pahayag ni Kishida sa panayam ng mga mamamahayag matapos ang joint session.
Inilarawan din ni Speaker Romualdez na si Kishida bilang isang papa-usbong na world leader.
Binalikan ni Romualdez ang isa sa mga pangako ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang kampanya na hindi mawawala kahit isang pulgada ng teritoryo ng bansa.