-- Advertisements --

Plano ng Department of Education (DepEd) na tanggalin ang pagtuturo ng mother tongue o sariling dialect bilang hiwalay na asignatura sa mga paaralan subalit gagamitin pa rin ito bilang medium of instruction mula sa kindergarten hanggang Grade 3.

Sa pagdinig sa Senado hinggil sa status ng K-12 law implementation, ibinunyag ni DepEd Undersecretary Epimaco Densing III ang planong ito ng kagawaran bilang resulta ng kanilang ginawag pagsiyasat kamakailan sa K-10 program.

Dahil sa development na ito ayon sa DepEd official ay maaaring mailaan ang 50 minutong pag-aaral sa mother tongue subject sa ibang aralin gaya ng national reading at math programs.

Binigyang diin naman ng DepEd official na patuloy pa rin na gagamitin ang mother tongue bilang medium of instruction salig sa mandato sa ilalim ng Enhanced Philippine Basic Education Act of 2013 o ang Republic Act 10533, liban na lamang kapag itinuturo ang mga asignaturang Filipino at English.

Ayon sa DepEd, tanging nasa 78,872 ng kanilang targeted 305,099 educators ang nasanay para sa paggamit ng mother tongue bilang medium of instruction.