Muling iginiit ng Chinese Consulate sa Cebu ang pagtutol nito sa 2016 Arbitral Award matapos idaos ng Cebu City ang kauna-unahang paggunita ng West Philippine Sea Victory Day noong Lunes, na dinaluhan ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr.
Sa inilabas na pahayag, inilarawan ni Chinese Consul General Zhang Zhen ang arbitral ruling bilang “illegal, null and void” at iginiit na wala itong bisa.
Ayon kay Zhen, nakabatay umano ang pag-aangkin ng China sa West Philippine Sea sa tinatawag nitong makasaysayang karapatan.
Bilang kinatawan ng China sa Cebu, ikinadismaya ni Zhen ang desisyon ng City Council na magdaos ng naturang paggunita, na tinawag niyang isang “blatant provocation.” Nagpahayag din siya ng pangamba na maaaring maapektuhan ang magandang relasyon ng China at Cebu dahil sa deklarasyon ng WPS Victory Day.
Samantala, sa naturang pagdiriwang, pinuri ni Defense Secretary Teodoro ang Cebu City sa pagdedeklara ng taunang West Philippine Sea Victory Day. Iginigiit ng kalihim na ang 2016 Arbitral Award, na nakabatay sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang nananatiling legal na batayan ng soberanong karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin din ni Teodoro ang kahalagahan ng mas malawak na kamalayan ng publiko at pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan sa pagtatanggol sa karapatan at soberanya ng bansa sa West Philippine Sea.















