-- Advertisements --

Ipinag-utos na ni Uganda President Yoweri Museveni ang pagpapadala ng tropa militar sa western Uganda kung saan nangyari ang pagpatay sa 37 mga estudyanet sa sekondarya na kagagawan ng grupo na konektado sa Islamic State.

Maalala na noong gabi ng Biyernes, naganap ang karumal-dumal na pagpatay ng mga miyembro ng rebeldeng Allied Democratic Forces (ADF) sa mga estudyante sa Lhubirira Secondary School sa Mpondwe malapit sa border ng Democratic Republic of Congo.

Ayon pa sa mga militar at pulis, dinukot ng mga rebelde ang anim na estudyante at tumakas patungo sa may border.

Hanggang sa ngayon hindi pa natutukoy ang kinaroronan ng mga nasa likod ng pag-atake.

Ayon sa Pangulo ng Uganda, mas maraming mga sundalo pa ang nakiisa na rin sa pursuit sa mga lugar kabilang ang Rwenzori Mountain kung saan inilunsad ng rebeldeng grupo ang insurhensiya laban sa Pangulo noong 1990s.

Nagbunsod naman ng malawakang pagkondena ang nangyaring pag-atake mula sa international community kabilang dito ang United Nations, African Union at East African Intergovernmental Authority on Development.

Inihayag din ng Pangulo ng Uganda na iimbestigahan rin ng gobyerno kung nagkaroon ng kapabayaan na nagbunsod para mangyari ang naturang pag-atake.