Magpupulong ang mga economic managers kasama ang Department of Agriculture (DA) kapag opisyal ng ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatigil sa importasyon ng bigas mula sa ibang bansa.
Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, layunin nitong matukoy kung mayroong malalabag na probisyon ang kautusang ito sa ilalim ng Rice Tarrification Law.
Ayon kay Sec. Nograles, bagama’t maituturing na “hypothetical” pa lamang ang usaping ito dahil wala pa namang ibinababang kautusan si Pangulong Duterte, magkakaroon ng meeting ang mga eksperto sa sandaling magiging opisyal na ito.
Mayroon aniyang partikular na binanggit sa ilalim ng Rice Tarrification Law kung kailan lamang maaaring ipatigil ang importasyon ng bigas.
Inihayag pa ni Sec. Nograles na posibleng sa susunod na Cabinet meeting ay maisama na ito sa mga agenda na kanilang tatalakayin.