Nanawagan si House Committee on Metro Manila Development vice chairman Rep. Precious Hipolito-Castelo sa pamahalaan ang agarang pagpapatayo ng isang quarantine facility sa bansa.

Ginawa ni Hipolito-Castelo ang rekomendasyon na ito sa gitna na rin ng banta ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD), na kumitil sa buhay ng mahigit 800 katao sa buong mundo.

Ang pagtayo aniya ng quarantine facility ay napapanahon na at makakatulong na rin para sa mabilis na pagpresponde sa mga krisis o communicable diseases.

Base sa kasalukuyang sitwasyon, sinabi ng kongresista na halata namang hirap ang pamahalaan sa paghahanap ng pasilidad kung saan maaring i-quarantine ang mga persons under management (PUMs).

Kamakailan lang ay umalma ang mga residente sa Capas, Tarlac makaraang gawing quarantine zone ang Athletes’ Village sa New Clark City pati na rin ang mga malapit sa mega drug rehab center sa loob ng Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.

-- Advertisement --

Ayon kay Hipolito-Castelo, kung mayroon nang quarantine facility ang pamahalaan ay hindi na mahihirapan pang maghanap ang mga otoridad ng lugar kung saan pansamantalang mananatili ang mga patients under investigation.