-- Advertisements --

Pinaplantsa na ngayon ng Philippine Coast Guard at Bureau of Corrections ang pagtatatag ng bagong headquarters ng PCG sa loob ng New Bilibid Prison.

Ito ang isa sa mga tinalakay nina PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan at BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. sa ginanap na Coordinating Conference ng dalawang ahensya.

Sa naturang pagtitipon ay tinalakay ng dalawang kagawaran ang paglalaan ng 20 ektaryang lupa sa loob ng Bilibid na pagtatayuan ng permanenteng headquarters ng PCG.

Bilang kapalit nito ay ipapahiram naman ng PCG ang mga barko at bus nito sa BuCor na makakatulong naman para sa kanilang paglilipat ng mga persons deprived of liberty sa iba’t-ibang mga piitan.

Bukod dito ay inialok din ng PCG sa BuCor ang kanilang mga sasakyang panghimpapawid na maaari rin magamit ng naturang bureau sa pagsasagawa ng pag i-inspeksyon sa mga regional prisons and penal facilities sa bansa.

Samantala, bukod dito ay tinalakay din ng dalawang opisyal ang iba pang mga usapin na makakatulong sa kanilang mga ahensya pagdating sa mas pagpapalakas pa sa kanilang mga pagtutulungan sa susunod na mga panahon.