Umani ng batikos ang pagtambak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng synthetic white sand baywalk bilang bahagi ng Manila Bay rehabilation.
Ayon sa environment group na Greenpeace Philippines, hindi kailangan ang pagtatambak ng puting buhangin sa baywalk gayong sa ngayon ay hindi pa nga tapos ang cleanup drive sa Manila Bay.
Kinuwestiyon ni Greenpeace Philippine campaigner Sonny Batungbacal ang plano ng DENR sa pag-contain sa itinambak na white sand gayong sa oras aniya na magraoon ng storm surges ay maaring paunti-unting mag-recede ito sa dagat mismo.
Ang pagtatambak ng white sand sa aniya’y uncleaned environment ay hindi makakatulong o malayo sa main objective na isalba ang Manila Bay sa pamamagitan nang paglilinis dito.
Maging ang advocacy group Oceana Philippines ay ikinaalarma rin ang naging hakbang ng DENR.
Sa isang statement, sinabi ni Oceana Philippines Vice President Gloria Estenzo Ramos na maaring makaapekto sa natural ecosystem sa lugar ang ginawa ng kagawaran.
Sayang lamang din aniya ang perang ginamit dahil sa panahon ng mga bagyo at malakas ang hampas ng alon sa Manila Bay ay tatangayin lamang ang itinambak na whitesand at mahahalo lamang sa black sand na siya namang natural element sa bahaging ito ng Manila Bay.
Sa halip na ipagpatuloy ang ginagawang reclamation, hinimok ng grupo ang pamahalaan na gampanan na lamang ang mandato nito na i-rehabilitate ang Manila Bay.
Nauna nang sinabi ni DENR Usec. Benny Antiporda na layon ng proyekto nila na ito na iparanas at ilapit sa mga hindi makakapunta ng Boracay, Bohol, Palawan, o Cebu ang experience ng pagkakaroon ng white sand.
Ang ginamit aniya nilang buhangin ay synthetic lamang na gawa sa dinurog na dolomite boulders sa Cebu dahil malinaw sa batas na bawal ibiyahe ang buhangin na galing mismo sa mga coastal areas.