Kasabay ng paggunita ng World Teachers Day sa October 5, ipinanukala ngayon ng isang mambabatas na itaas ang minimum wage ng mga public school teacher.
Base na rin ito sa House Bill 4070 na inihain ni Quezon City 5th District Representative Patrick Michael (PM) Vargas.
Sa kanyang panukalang batas, mula sa Salary Grade-11 o katumbas ng P25,439 ay itataas sa Salary Grade-19 o 49,835 ang minimum salary grade ng mga guro.
Punto ni Vargas, napapanahon nang itaas ang sweldo ng mga guro dahil sa tumataas na cost of living.
Katunayan, noong 18th Congress ay isinulong na rin aniya ang kahalintulad na panukala.
Dagdag pa ng kinatawan na paraan din ito para suklian ang dedikasyon at paghihirap ng mga guro sa pagtatrabaho para magbigay ng dekalidad na edukasyon.
Hindi bababa sa 15 panukalang batas ang inihain ngayong 19th Congress na nagtutulak para sa salary increase ng mga guro.