-- Advertisements --
image 252

Makalipas ang halos apat na buwan na mula ng lumubog ang oil tanke na MT Princess Empress na nagdulot ng malawakang oil spill sa karagatan ng Oriental Mindoro, inanunsiyo ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakumpleto na ang pagtanggal ng langis mula sa cargoes subalit patuloy pa rin ang isinasagawang monitoring dahil sa banta ng panibagong pagtagas mula sa fuel pipes ng barko.

Ayon kay Rear Adm. Armando Balilo, tagapagsalita ng PCG na naubos na ang lahat ng walong cargo tanks na naglalaman ng tinatayang 900,000 litro ng industrial fuel nang lumubog ang barko 400 metro ang lalim sa may karagatan ng Naujan noong Pebrero 28 at inoobserbahan na lamang ang oil drips mula sa piping line ng cargo.

Maliit aniya ang naturang mga pipes at ang natitirang langis ay napaka-minimal na lamang.

Sakali man na magkaroon aniya ng pagbabago sa kondisyon ng karagatan na maaaring magresulta sa bahagyang pagtagas nakahanda aniya silang rumesponde.

Una rito sa isinagawang inspeksiyon nitong biyernes, ipinakita ng Malayan Towage and Salvage Corp, ang salvage company na nanguna sa operasyon ng pagtanggal ng langis sa PCG officials na wala ng mga bakas ng langis.

Sinabi din ni Balilo na matapos na makumpleto ang operasyon, patuloy ang monitoring ng dalawa sa tugboat ng Malayan Towage and Salvage Corp. at magsasagawa ng containment operations para sa langis na maaaring tumagas mula sa fuel pipes ng MT Princess Empress.