Hinimok ng 11 kongresista ang House Committee on Legislative Franchises na aksyunan na ang consolidated version ng walong panukalang batas para sa franchise renewal ng ABS CBN Corporation.
Lumagda ang 11 mambabatas sa House Resolution No. 693 ni Lagman na nagbibigay diin sa paggalang sa freedom of the press bilang “indispensable component” ng freedom of expression at free speech.
Bukod kay Lagman, kabilang sa mga lumagda sa naturang resolusyon ay sina: Nueva Ecija 2nd District Rep. Micaela Violago; Parañaque City 2nd District Rep. Joy Myra; Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel; Oriental Mindoro 1st District Rep. Doy Leachon; Negros Oriental 1st District Rep. Josie Limkaichong; Capiz 1st District Rep. Emmanuel Billones; Quezon City 6th District Rep. Kit Belmonte; ACT Teachers party-list Rep. France Castro; Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate; at Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat.
Nakatakdang mapaso ang legislative franchise ng ABS CBN sa darating na Marso 30, 2020.
Mayroon na lamang 24 na regular session days ang Kongreso mula Enero 20 bago ito mag-adjourn para naman sa Holy Week simula Marso 14 hanggang Mayo 3.
Sa kabila nito, nanatili pa rin sa committee level sa Kamara ang franchise renewal ng ABS CBN.
Noong nakaraang buwan lamang nang magbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na harangin ang franchise renewal ng naturang television firm.
Pero para kay Lagman, ang mga banta ng Pangulo ay bunsod ng “personal grievances” lamang nito na posibleng humarang sa press freedom.
Tinukoy pa ng kongresista ang desisyon ng Korte Suprema sa Chavez vs. Gonzales at National Telecommunication Commission (NTC) case patungkol sa “Garci tapes”.
Makikita sa desisyon na ito aniya ang “chilling effect” sa press freedom ng pagsupil sa freedom of speech at press.