-- Advertisements --
image 212

Inirekomenda ni Commission on Elections (Comelec) chairperson George Garcia na ikonsiderang criminal act ang pagtakbo ng isang nuisance candidate.

Sa pamamagitan ng imprisonment o pagkakakulong at habang buhay na diskwalipikasyon para sa mga nuisance candidates at kanilang backers.

Kaugnay nito, umapela ang Comelec chairman sa harap ng mga Senador na magpasa ng panukalang batas na maga-amyenda sa Section 69 ng Omnibus Election Code o ang probisyon ng batas laban sa nuisance candidates kasabay ng pagsisimula ng imbestigasyon sa Senado sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo .

Maaari aniyang bigyan ng kapangyarihan ang poll body para resolbahin ito sa loob ng partikular na period.

Sa katunayan kapag matukoy aniya kung sino ang backer sa likod ng kandidatura ng isang nuisance candidate, dapat lamang na habambuhay na itong madiskwalipika mula sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno at makulong ng tatlo hanggang anim na taon o multa na kalahating milyon o mahigit pa.

Sinabi naman ni Senator Ronald dela Rosa na seryosong ikokonsidera ng kaniyang komite na Senate public order and dangerous drugs ang naturang panukala.

Ayon sa Senador inaasahan na ng sambayanang Pilipino na sa tuwing filing ng kandidatura ng mga nais tumakbo sa halalan nandiyan ang mga nuisance candidate na tinawag nitong siraulo at ginagawang circus at katatawanan ang pulitika dito sa bansa subalit kung i-criminalize na aniya ang mga ito maaaring hindi na maghain pa ang mga nuisance candidate kayat dapat lamang aniya na matugunan ito.

Ipinunto rin ng Comelec chairman na kailangan ng napapanahong aksiyon para mapigilan na maisama ang nuisance candidate sa official ballots lalo na sa automated election na ginagamit partikular na para sa national at local elections.

Una rito, isa ang Comelec sa pinatawag sa pagdinig sa Senado kaugnay sa Degamo slay case dahil ang political rivalry ang ikinokonsiderang motibo sa likod ng pagpaslang sa Gobernador.

Matatandaan din na iprinoklamang nanalo noong 2022 gubernatorial race sa Negros Oriental si Pryde Henry Teves subalit kalaunan ay idineklara ng Comelec si Degamo bilang Gobernador matapos na ideklara bilang nuisance candidate ang isang nagngangalang Ruel Degamo at nailipat sa napaslang na Gobernador ang boto mula sa nuisance candidate.